Header Ads

Naglunsad na ang Office of the Ombudsman ng imbestigasyon sa yaman ni Duterte kasunod ng kasong plunder na inihain ni Senador Antonio Trillanes IV.


Iginiit na hindi naman “pobre” ang kanilang pamilya, ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi lalagpas sa P40 milyon ang kanyang yaman sa gitna ng mga imbestigasyon sa diumano’y mga hindi idineklarang salapi sa mga bangko.
Ipinaliwanag ng Pangulo na kasama sa kanyang mga ari-arian ang mga pondo mula sa naipagbiling lupain na kanyang minana, iba pang real estate properties, at regular na kita mula sa gobyerno. Ang flow of funds na ito, dugtong niya, ay maaaring matunton mula sa lumang Insular bank hanggang sa Land Bank of the Philippines.
“All in all, it would not go beyond P40 million my lifetime saving, a part of that was my hereditary,” sinabi ng Pangulo sa pagtitipon ng Integrated Bar of the Philippines sa Davao City nitong Sabado ng gabi. “Ano akala ninyo sa amin pobre? Ganun na lang kami kahirap?”
Gayunman ikinatwiran ng Pangulo na wala siyang nakaw na yaman sa mga bangko, inulit ang pangakong magbibitiw kapag napatunayan ang mga alegasyon ng pangungurakot.
“Sinabi ko na before the election, wala ako n’yan at wala ako ngayon. I said to your sorrow, ihampas ko sa mukha mo yung … papel na yan. I’m sure it will be released in due time,” aniya.
Naglunsad na ang Office of the Ombudsman ng imbestigasyon sa yaman ni Duterte kasunod ng kasong plunder na inihain ni Senador Antonio Trillanes IV. Inaakusahan ng senador si Duterte na mayroong mahigit P2 bilyon na deposito at credit sa ilang bangko na hindi idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Batay sa kanyang SALN noong 2016, ang Pangulo ay mayroong net worth na P27.4M. Kabilang sa kanyang mga yaman ang P18.4M cash on hand/bank, siyam na real estate properties, at dalawang sasakyan.

No comments