Header Ads

Duterte sa Ombudsman: Hanapin ang P211-M bank account; hahabulin ko kayo sa ‘partiality and corruption’

Tahasang
hinamon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Office of the Ombudsman na hanapin ang sinasabing P211 million sa kanyang bank account.
Ginawa ni Pangulong Duterte ang pahayag kasunod ng anunsyo ng Ombudsman na nagsimula na ito sa kanilang imbestigasyon sa umano’y multi-billion peso nitong yaman at ng pamilya batay sa reklamong inihain ni Sen. Antonio Trillanes.
Sinabi ni Pangulong Duterte, kung mahanap ng Ombudsman ang nasabing pera, maghati-hati sila at sampahan siya ng kaukulang kaso.
“The Ombudsman has investigated me ever since, hindi nahinto iyan. OK lang iyan sa akin iyan, nasa gobyerno ako. Kayong mga Ombudsman, hanapin ninyo iyan. Kasi kung makuha ninyo iyang 211 million, maghati tayo, ibigay ko sa inyo, tapos magdemanda kayo ng kaso,” ani Duterte.
Kasabay nito, kinuwestiyon ni Pangulong Duterte ang Ombudsman sa mistulang pagpabor nito sa mga mambabatas gaya ni Trillanes na kaalyado ng Liberal Party (LP) at hinayaang makalusot sila sa kasong may kinalaman sa Disbursement Acceleration Program (DAP).
“Pareho iyong kay Trillanes, huwag mo rin iyong kalimutan. Pero ‘pag hindi, eh ibang istorya niya iyan. Wala namang Liberal na nakita ko na puro naman sila may DAP cases… Are you beholden to the Liberal?” dagdag ni Duterte.
Una rito, nagbanta si Pangulong Duterte na bubuo siya ng isang komisyong iimbestiga sa Ombudsman dahil sa umano’y pagiging “bias” at korupsyon.
“You have to be investigated also. One of these days, kayo ang sigurado kong hahabulin dahil nga sa partiality ninyo. ‘Pag hindi ninyo imbestigahan ang sarili ninyo, ako ang mag-set up ng commission to investigate you as a President with investigating powers,” sabi ng Pangulo.

No comments